Pinalawig pa ng tatlong buwan ng Malakanyang ang trabaho ng non-Career Executive Service Officials (CESO) na humahawak ng CESO positions.
Sa panayam ng DZMM TeleRadyo, sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na pinirmahan na ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. ang Memorandum Circular (MC) No. 2 na nagpapalawig sa trabaho ng mga non-CESO na humahawak ng CESO positions hanggang Oktubre 31.
Dapat sana matatapos na ng Hulyo 31 ang trabaho ng mga ito sa ilalim ng naunang memorandum circular.
Inihayag ni Lacierda na nakapaloob din sa MC 2 na sa mga ahensyang bakante ang mga pinuno, hahawakan ito ng next senior in rank hanggang Oktubre 31.
Idinagdag pa ni Lacierda na layon ng MC 2 na bigyan ng mas mahabang pagkakataon ang mga kalihim ng mga departamento na pag-aralan ang kanilang plantilla at alamin kung sino ang pwedeng panatilihin.