Nilagdaan na ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang executive order (EO) na nagbubuo sa Truth Commission.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda.
Sa ilalim ng Executive Order No. 1, pinagtibay ni Pangulong Aquino ang pagtatatag ng Philippine Truth Commission of 2010 na pangungunahan ni retired Chief Justice Hilario Davide, Jr. bilang chairman at apat na miyembro.
Sa pahayag ni Pangulong Aquino na binasa ni Lacierda, sinabi nito na tungkulin ng komisyon na magsiyasat at hanapin ang katotohanan sa mga matitinding alegasyon ng katiwalian noong nakaraang siyam na taon na kinasangkutan diumano ng mga opisyal ng pamahalaan at ng kanilang mga kasabwat sa pribadong sektor.
Sa press conference sa Malakanyang, inihayag naman ni Justice Secretary Leila de Lima na target ng komisyon na matapos ang kanilang trabaho hanggang 2012, kung saan sakaling malakas ang ebidensya ng graft and corruption, maaari nitong irekomenda ang pagsasampa ng kaso.
Ibig aniyang sabihin, ipapasa ang findings ng komisyon sa prosecutor's office para sa pagsasampa ng kaso, bukod sa pagsusumite rito sa Office of the President, Kongreso at Office of the Ombudsman.
Sinabi pa ni De Lima na bibigyan ng kapangyarihan ang Truth Commission mag-subpoena.
Gayunman, aminado ang kalihim na walang kapangyarihan ang komisyon na i-contempt ang sinumang hindi susunod.
Pero ang mga opisyal at empleyado aniya ng pamahalaan na ipatatawag at hindi susunod, maaaring patawan ng administrative o disciplinary action, habang ang mga nasa private sector, maaaring kasuhan ng obstruction of justice.
Inihayag pa ni De Lima na walang magiging problema ang komisyon sakaling iisnabin ni dating Pangulong Arroyo ang pagpapatawag ng komisyon at abugado na lang nito ang haharap dahil ang mahalaga aniya, hawak nila ang mga ebidensya, dokumento at posibleng testigo sa kaso.
Naniniwala naman si Chief Presidential Legal Counsel Eduardo de Mesa na kaya nilang ipaglaban ang validity at kapangyarihan ng Truth Commission hanggang Korte Suprema sakaling kukwestyunin ito.
Magmumula ang pondo ng komisyon sa Office of the President. Report from Ruby Tayag, Radyo Patrol 16