Sunday, September 05, 2010
DFA, binatikos dahil sa umano'y double standard sa paghawak sa kaso ni Cong. Singson
Posted: 5:23 PM  07/31/2010

Binatikos ng grupong Migrante International ang Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa umano'y double standard sa paghawak sa kasong drug trafficking ni Ilocos Sur Congressman Ronald Singson at kawalan ng tulong sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) na biktima ng drug syndicate sa abroad.

Himutok ni Migrante Chair Gary Martinez, nang ipagbigay-alam nila sa DFA ang drug-related cases ng 195 OFWs sa China noong nakaraang taon, sinabihan lang sila ni Undersecretary Esteban Conejos na magpakabait sa bilangguan para mabigyan ng pardon.

Sa 195 OFWs, 10 ang nahatulan ng kamatayan, 56 ang may tsansang mapababa ang hatol, 30 ang nahatulan ng habambuhay na pagkakakulong, 44 ang nahatulang makulong ng 15 taon at 55 ang nililitis pa ang kaso.

Giit ni Martinez, habang walang natatanggap na legal na tulong ang mga OFW, mistulang nagmamakaawa naman si Conejos sa kampo ni Singson na tanggapin na ang alok na tulong ng kagawaran.

Binanggit din ng Migrante ang kaso ng dalawang OFWs sa Iran at Saudi na sinabihan umano ng DFA na wala sa patakaran ng kagawaran ang pagbibigay ng tulong sa mga kasong may kinalaman sa droga. Report from Alex Calda, Radyo Patrol

Click here for more news!

 
© 2008 DZMM 630. All Rights Reserved. Terms of Use Privacy Statement