Friday, March 12, 2010
King of Pop Michael Jackson, patay na
Posted: 12:59 PM  06/26/2009

Patay na ang King of Pop na si Michael Jackson.

Inanunsyo ni Los Angeles County Coroner Lieutenant Fred Corral na pumanaw ang singer sa edad na 50 matapos isugod ng ospital dahil sa cardiac arrest.

Inihayag ni Corral na pasado alas dos ng hapon, oras sa LA, o pasado alas-singko ng umaga dito sa Pilipinas nang ideklarang patay si Jackson sa UCLA Medical Center.

Dagdag ni Corral, unresponsive o hindi na tumutugon sa medical procedures ang singing superstar nang idating doon.

Hindi agad naging malinaw ang pangyayari hinggil sa pagkamatay ni Jackson.

Sinasabing hindi na ito humihinga nang unang puntahan ng LA Fire Department Paramedics kung saan nagsagawa pa ng CPR bago dinala ng ospital.

Sinabi ng abogado ng pamilya Jackson na si Attorney Brian Oxman na itinawag lang sa kanya ng isang kapatid ni Michael na ito'y nag-collapse sa kanyang bahay sa West LA.

Sa UCLA Medical Center, kinordonan ng mga security guard ang lahat ng entrance sa emergency room kung saan maging ang mga hospital staff ay hindi pinayagang makapasok.

Sa pahayag naman ng kapatid na si Jermaine Jackson, na-cardiac arrest ang King of Pop bagamat hindi pa alam ang talagang ikinamatay habang hinihintay ang resulta ng otopsiya.

Sinabi ni Jermaine na tinangkang i-resuscitate si Michael ng isang grupo ng mga doktor kabilang na ang mga emergency physician at cardiologists nang mahigit isang oras pero nabigo.

Click here for more news!

 
© 2008 DZMM 630. All Rights Reserved.Terms of UsePrivacy Statement