Plantsado na ang gusot sa pagitan ng Smartmatic at Total Information Management (TIM) Corporation.
Ito ang inanunsyo ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Jose Melo sa isang press conference matapos ang isinagawang executive session kanina.
Hindi na idinetalye Melo kung paano nagkasundong muli ang naturang mga kumpanya.
Mas importante aniya, tuloy na ang automated elections sa susunod taon.
Gayundin, hindi na idinetalye ni Melo ang magiging laman ng kasunduan sa pagitan ng Smartmatic at TIM dahil sa pagitan na lang aniya ito ng dalawang kumpanya.
Lumagda na sa isang incorporation paper ang TIM at Smartmatic kanina at inaasahang maisusumite ito sa Securities and Exchange Commission (SEC) sa Lunes.
Habang inaasahan namang sa Biyernes ng susunod na linggo, lalagda na ang mga ito sa kontrata para sa poll automation.
Sa panayam ng DZMM Radyo Patrol, sinabi ni Attorney Ferdinand Rafanan, hepe ng Legal Department at Special Bids and Awards Committee ng Comelec na masaya sila sa nasabing pangyayari.