Inihahanda na ng abogado ni Senador Panfilo Lacson ang motion for reconsideration na ihahain nila sa Manila Regional Trial Court (RTC) upang kwestyunin ang ipinalabas na warrant of arrest laban sa mambabatas.
Sa panayam ng DZMM TeleRadyo, inihayag ni Atty Alex Poblador, abugado ni Lacson, na layon ng kanilang mosyon na isantabi ang ipinalabas na resolusyon ni Manila RTC Judge Myra Garcia-Fernandez noong Pebrero 5 na nag-uutos ng pag-aresto sa senador.
Sinabi ni Poblador na ang ihahain nilang motion for reconsideration, bilang paghahanda na rin sa petisyon na isasampa naman nila sa Court of Appeals (CA).
Sa 'legal remedies' o 'legal steps' aniyang ginagawa nila ngayon, hindi kailangang 'physically present' sa Pilipinas ang senador, kaya hindi pa ito maituturing na pugante.
Nilinaw naman ni Poblador na personal na desisyon ni Lacson ang pag-alis muna ng bansa at hindi ito payo ng kanyang mga legal counsel.