Saturday, July 31, 2010
Comelec: Mga lalabag sa patakaran sa pagpapaskil ng campaign posters, mahaharap sa pagkakulong at pagkadiskwalipika
Posted: 4:36 PM  02/08/2010

Mahaharap sa pagkakulong ng mula isa hanggang anim na taon at pagkadiskwalipika ang mga kandidatong lalabag sa patakaran sa pagpapaskil ng campaign poster, kaugnay na rin ng opisyal nang pagsisimula bukas, Pebrero 9, 2010, ng campaign period para sa national positions.

Sinabi ni Commission on Elections (Comelec) Spokesman James Jimenez na hindi lang mga kandidato ang mapapatawan ng parusa, kundi maging ang mga nagkabit ng campaign poster.

Ipinaalala ni Jimenez na bawal maglagay ng campaign materials sa mga kalsada, tulay, public structure at pampublikong gusali na hindi itinalaga bilang common poster area, kasama na ang mga puno, poste, kawad ng kuryente.

Pinapayuhan naman ng Comelec ang publiko na magsumbong sa komisyon at tumawag sa mga hotlines nila na 525-9302, 525-9297, 525-9345, 525-9296, 525-9335, 525-9294, 527-1892, 527-5575 at 527-0821 para sa mga nakikita nilang lumalabag sa common poster area.

Nilinaw din ng Comelec na isang temporary structure na itinayo para lang kabitan ng mga campaign poster ang 'common poster area'.

Pagbibigyan naman ng Comelec ang mga lalabag sa patakaran na tanggalin ang mga poster sa loob ng tatlong araw, dahil kung hindi, mapapatawan ang mga ito ng kaukulang parusa.Report from Nelson Lubao, Radyo Patrol 33

Click here for more news!

 
© 2008 DZMM 630. All Rights Reserved. Terms of Use Privacy Statement