Magtutungo bukas, Miyerkoles, sa Mindanao ang mga kongresista para alamin kung gaano na kalawak at katindi ang epekto ng krisis sa kuryente sa rehiyon.
Sinabi ni Pampanga Congressman Mikey Arroyo, chairman ng House Committee on Energy na sa Davao City sila magsasagawa ng ikatlong imbestigasyon at konsultasyon sa mga negosyante at mga stakeholder nito para alamin ang mga posibleng solusyon sa krisis sa elektrisidad.
Dito rin daw nila ibabase kung tuluyang irerekomenda sa Pangulong Arroyo kung kinakailangang magpatawag ng joint session ng Kongreso para resolbahin ang lumalang problema sa suplay ng enerhiya.
Inihayag pa ng kongresista na ipinatawag rin nila para dumalo sa imbestigasyon sina Energy Secretary Angelo Reyes, mga opisyal ng Department of Energy (DOE), National Power Corporation (Napocor) at mga independent power producer.
Nilinaw naman ni Congressman Arroyo na huling opsyon nila ang pagrerekomenda ng special session at pagbibigay ng karagdagang kapangyarihan sa Pangulo kung talagang wala na silang makikitang solusyon.Report from Jun Lingcoran, Radyo Patrol 24