Masusing pinag-aaralan ng Pangulong Arroyo ang rekomendasyong magdeklara ng state of calamity sa Mindanao sa harap na rin ng nararanasang krisis sa kuryente sa rehiyon dahil sa El Niño Phenomenon.
Inihayag ito ni Presidential Spokesman Ricardo Saludo matapos na ring irekomenda ng National Disaster Coordinating Council (NDCC) na isailalim sa state of calamity ang buong Mindanao dahil sa power crisis sa rehiyon, bunsod na rin ng dinaranas na El Niño.
Layon ng rekomendasyon ng NDCC na makakilos ng mabilisan ang Department of Energy (DOE) upang mabigyang-solusyon ang power crisis sa Mindanao.
Sinabi ni Defense Secretary at NDCC Chairman Norberto Gonzales na sa ilalim aniya ng state of calamity, pwedeng gamitin ang calamity fund at makakakilos ng husto ang DOE sa paggawa ng mga short-term solution sa dinadaranas na lima hanggang walong oras na brown-out sa mga lugar sa Mindanao, dulot na rin sa 700 megawatts na kakulangan sa supply ng kuryente doon.
Idinagdag pa ni Gonzales na bunsod na rin ang rekomendasyon nang kabiguan ng Kongreso na mag-convene ng special session para matugunan ang power crisis sa Mindanao.
Posible aniyang tumagal ng apat na buwan ang state of calamity sa Mindanao sakaling aprubahan ito ng Pangulo dahil ayon na rin sa pagtaya ng PAGASA-DOST, sa Hunyo pa posibleng makaranas ng pag-ulan.
Inihayag naman Secretary Jesus Dureza ng Mindanao Development Authority na apektado na ng krisis ang ekonomya ng Mindanao bunga na rin ng hanggang walong oras na brown-out doon kada araw. Report from Ruby Tayag, Radyo Patrol 16