Saturday, July 31, 2010
Mga insidente ng sunog sa Fire Prevention Month, nadagdagan pa; Sunog, naitala sa Cebu, Cagayan de Oro at Metro Manila
Posted: 12:26 PM  03/11/2010

Ilang sunog pa ang naitala sa mga lalawigan at sa Metro Manila sa ikalawang linggo ng Fire Prevention Month.

Sa Cebu City, tatlo ang patay nang masunog ang isang bahay sa loob ng Calderon Compound sa Barangay Guadalupe kaninang madaling-araw.

Lumilitaw na nag-umpisa ang sunog malapit sa sala kung saan natagpuan ang bangkay ng tatlong biktima bagamat hindi pa alam kung ano ang sanhi ng apoy.

Tinatayang nasa P900 libo ang halaga ng natupok na ari-arian.

Samantala, mahigit 70 bahay naman ang nasunog sa Cugman, Cagayan de Oro City kagabi.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, nagsimula ang apoy sa bahay ng pamilya Constantino pasado alas siyete ng gabi habang nakakaranas ng limang oras na 'rotating brownout' doon.

Sinabi ni City Fire Marshall Maj. Benigno Amomonpon Jr., na posibleng ang ginamit na lampara ng pamilya Constantino ang sanhi ng sunog.

Pero ayon naman sa ilang residente, nangyari ang sunog nang biglang magkailaw sa lugar.

Tinatayang aabot sa mahigit P5 milyon ang danyos sa sunog kung saan, apat katao rin ang nasugatan.

Mabilis na nilamon ng apoy ang mga bahay dahil karamihan dito, yari lang sa light materials.

Sa Metro Manila, tatlong sunog ang naitala sa buong magdamag hanggang kanina.

Natupok ang bahay na pag-aari ng pamilya Lipit sa P.Tuazon Street sa Quezon City.

Sa ikalawang palapag ng bahay sinasabing nagsimula ang apoy dahil sa hinalang pagputok ng switch ng kuryente.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil yari sa light materials ang bahay.

Sa Parañaque City, bahagyang nasunog ang bahay ng isang Eva Villena sa BF Homes Elizalde bago mag-alas dose ng hatinggabi.

Natupok ang sala at kusina ng bahay at tinatayang aabot sa P1 milyon ang pinsala ng sunog.

Sumiklab din ang sunog sa Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City kanina.

Mahigit P1 milyon ang halaga ng mga natupok na ari-arian nang masunog ang may 15 bahay.

Nasa 20 pamilya ang apektado ng sunog na umabot sa ikatlong alarma na nagsimula sa paupahang bahay ng isang Dong Bartolome.

Wala namang iniulat na nasaktan sa mga naturang sunog sa Metro Manila.With report from June Perez, DZMM Cebu Correspondent; Fred Dellava, Cagayan de Oro Correspondent and Dexter Ganibe, Radyo Patrol

Click here for more news!

 
© 2008 DZMM 630. All Rights Reserved. Terms of Use Privacy Statement