Saturday, July 31, 2010
25 pulis, kinasuhan ng DOJ kaugnay ng Parañaque City shootout
Posted: 4:24 PM  03/11/2010

Kinasuhan ng Department of Justice (DOJ) ng dalawang bilang ng murder ang 25 pulis na sangkot sa shootout sa Parañaque City, na ikinamatay ng isang mag-ama noong Disyembre 5, 2008.

Base sa resolusyon na ipinalabas ni DOJ State Prosecutor Stewart Allan Mariano, nilabag ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang 'rules of engagement' sa Parañaque shootout, kung saan nasawi ang mag-amang Alfonso 'Jun' de Vera at pitong taong gulang na anak nitong si Lia Alyanna.

Binigyan ng merito ng DOJ ang naging testimonya ng dalawang testigo na magpapatunay na wala umanong naganap na shootout sa pagitan ng mga otoridad na binubuo noon ng Special Action Force (SAF), Highway Patrol Group (HPG) at National Capital Regional Police Office (NCRPO) laban sa kilabot na robbery gang na 'Waray-Waray-Ozamis Group'.

Dahil dito, kinasuhan ng two counts of murder ng DOJ sa Parañaque Regional Trial Court ang 25 pulis na bahagi ng operasyon na ikinasugat din ng ilang bystander nang maganap ang insidente sa United Parañaque Subdivision 4.

Walang pyansang inirekomenda ang DOJ sa mga nakasuhan.

Habang inabswelto naman sa reklamo sina Police Director Leopoldo Bataoil na noon, director ng NCRPO; Chief Superintendent Perfecto Palad na noon, director ng Highway Patrol Group at Chief Superintendent Leocadio Santiago na noon, director naman ng Special Action Force.Report from Edwin Sevidal, Radyo Patrol 37

Click here for more news!

 
© 2008 DZMM 630. All Rights Reserved. Terms of Use Privacy Statement