Bukas ang Malacañang sa ideyang magpadala ang Amerika ng monitoring group o observers para subaybayan ang magiging takbo ng halalan sa Mayo.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesman Gary Olivar, na mas maraming magmomonitor, mas makatutulong para magkaroon ng kapani-paniwalang resulta ng eleksyon.
Dagdag pa ni Olivar, matagal na ring kalakaran ang pagkakaroon ng foreign observers bagamat kailangang sumailalim sila sa oversight process.
Ibig sabihin, may mga panuntunang dapat sundin ang sinumang monitoring group na pupunta sa bansa at magmumula ang guidelines sa gobyerno ng Pilipinas.
Nilinaw naman ni Olivar na bagamat may request mula sa Filipino-Americans, nasa United States government pa rin ang desisyon kung magpapadala ito ng election observers.