Saturday, July 31, 2010
Kakulangan sa supply ng baboy dahil sa El Niño Phenomenon, ramdam na raw ng mga meat processor
Posted: 5:44 PM  03/11/2010

Nagsisimula nang maramdaman ng mga meat processor ang kakulangan sa suplay ng baboy dahil sa El Niño Phenomenon.

Bukod dito, nakararanas na rin sila ng pagtaas sa presyo ng lokal at imported na karneng baboy.

Sinabi ni Francisco Buencamino, executive director ng Philippine Association of Meat Processors, na ilang kilalang brand ng 'luncheon meat' ang nagtaas na ng apat na porsyento sa presyo nito.

Pagdating aniya ng Abril, mapipilitan na silang magsumite ng bagong price list kung saan makikita ang pagtaas sa presyo ng halos sampung porsyento.

Una nang sinabi ng Department of Agriculture (DA) na inaasahan na nila ang kakulangan sa suplay ng karneng baboy ng hanggang sampung libong metriko tonelada dahil sa pagkakasakit at paghagupit ng Bagyong Ondoy noong nakaraang taon at pananalasa ng El Niño Phenomenon ngayong taon.

Giit naman ng Department of Trade and Industry (DTI), kailangan muna silang sulatan ng mga meat processor para mapag-aralan ang dahilan sa pagtaas sa presyo ng canned meat.

Samantala, nakatakdang magpalabas ang DA ng mas murang suggested reference price para sa manok sa susunod na linggo.

Kasunod ito ng reklamo ng mga poultry farmer dahil nasa P58 kada kilo lang ang farmgate price ng manok pero pumapalo ito sa mga palengke ng hanggang P130 kada kilo.

Click here for more news!

 
© 2008 DZMM 630. All Rights Reserved. Terms of Use Privacy Statement