Tumaas ng 60% ang bilang ng mga sunog sa halos dalawang linggo pa lang na pag-obserba ng Fire Prevention Month, kumpara sa katulad na panahon noong nakaraang taon.
Sinabi ni Fire Senior Superintendent Pablito Cordeta, Director ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa National Capital Region (NCR) na sa kabila ng kanilang matinding kampanya at inilunsad na 'Oplan Bida' o Barangay Integrated Defense Action Plan, umaabot na sa mahigit 50 ang malalaking sunog na naitala sa Metro Manila ngayong Marso kumpara sa 19 noong 2009.
Isinisi ni Cordeta sa matinding init na dala ng El Niño Phenomenon ang mga sunog, kung saan posibleng 'spontaneous combustion' ang pinagmulan ng apoy.
Dahil dito, panawagan ng BFP sa publiko, maging mapagmatyag at obserbahang mabuti ang kanilang kapaligiran.
Paliwanag ni Cordeta, hindi kailangan ng apoy para magkaroon ng sunog sa isang lugar, kundi kombinasyon lang ng tatlong elemento gaya ng fuel, heat at oxygen.Report from Edwin Sevidal, Radyo Patrol 37